Nagsimula nang dumating sa Greenland ang mga sundalo mula sa France, Germany at iba pang bansa sa Europe upang palakasin ang seguridad ng Arctic island, matapos lumabas ang “fundamental disagreement” sa pagitan ng administrasyong ni Pangulong Donald Trump at mga kaalyado nito sa Uropa.
Ayon sa ulat, 15 sundalo mula France at 13 mula Germany ang naipadala na. Kasama rin sa misyon ang mga tropa mula Norway at Sweden.
Inilarawan ang operasyon bilang isang “recognition-of-the-territory exercise”, kung saan magtatanim ng watawat ng European Union sa Greenland bilang simbolikong hakbang.
Sinabi ni French President Emmanuel Macron na ang unang yunit ng militar ng France ay nasa biyahe na, at ang iba pa ay susunod. Nasa Nuuk na, kabisera ng Greenland, ang mga sundalo mula sa mountain infantry unit ng France.
Ayon sa France, layunin ng dalawang araw na misyon na ipakita na mabilis na maipapadala ang tropa ng EU kung kinakailangan.
Samantala, kinumpirma ng German Ministry of Defence na magpapadala ito ng reconnaissance team na binubuo ng 13 katao.
Ipinahayag din ng Denmark ang plano nitong dagdagan ang presensya ng militar sa Greenland. Ginawa ito kasabay ng pagpupulong ng mga foreign minister ng Denmark at Greenland sa Washington, DC kasama ang mga kinatawan ng White House upang talakayin ang intensyon ni Trump na sakupin ang semi-autonomous na teritoryo ng Denmark.
Layunin umano ng US na makuha ang Greenland upang mapakinabangan ang yamang-mineral nito, sa gitna ng tumitinding interes ng Russia at China.
Gayunman, matapos ang pagpupulong kasama sina US Secretary of State Marco Rubio at Vice President JD Vance, inamin ng mga ministro na walang naging progreso sa pagbabago ng posisyon ng Amerika.











