--Ads--

Target ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) ng Pamahalaang Panlungsod ng Cauayan na matulungan ang humigit-kumulang 2,700 Persons with Disability (PWD) ngayong taon sa pamamagitan ng iba’t ibang programa at serbisyong nakalaan para sa kanila.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jonathan Galutera, Persons with Disability Affairs Officer, sinabi nito patuloy ang pagdami ng mga PWD na lumalapit at nag-aaplay para sa tulong ng tanggapan.

Kabilang sa mga pangunahing suportang ibinibigay ay ang tulong para sa speech therapy, lalo na para sa mga batang may autism at iba pang kondisyon na nangangailangan ng espesyal na interbensyon.

Ipinahayag ni Galutera na may nakalaang pondo para sa mga ganitong uri ng pangangailangan, partikular para sa mga magulang na humihingi ng tulong upang masuportahan ang therapy at development ng kanilang mga anak. Bukod sa direktang tulong ng PDAO, ang iba pang aplikante ay maaaring magtungo sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang matugunan ang kanilang partikular na pangangailangan.

--Ads--

Binigyang-diin din ng tanggapan na mahalaga ang pagsunod sa basic requirements sa pag-a-applay. Ang mga kinakailangang dokumento ay malinaw na nakasaad sa Citizen’s Charter na makikita sa opisyal na website ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City.

Dagdag pa ng PDAO, magsasagawa sila ng field assessment sa mga PWD simula sa susunod na linggo upang masuri nang maayos ang kalagayan ng mga benepisyaryo at matiyak na angkop at sapat ang tulong na kanilang matatanggap.

Sa pamamagitan ng mga programang ito, layunin ng Pamahalaang Panlungsod ng Cauayan na mas mapalakas ang suporta at serbisyong panlipunan para sa sektor ng mga PWD, bilang bahagi ng kanilang adbokasiya para sa isang inklusibo at maalagang komunidad.