Inaprubahan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang pagpapalabas ng subpoena laban sa ilang indibidwal na inimbitahan ngunit hindi tumugon sa paanyaya na dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na itinakda sa Enero 19.
Kabilang sa mga pinadalhan ng subpoena sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan; dating AKO Bicol Party-list Representative Zaldy Co; dating DPWH Undersecretary Tygve Olaivar; negosyanteng si Maynard Ngu; at Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana.
Muling ipagpapatuloy ng Senado ang imbestigasyon kaugnay ng umano’y mga anomalya sa mga flood control projects sa bansa sa darating na Lunes, bilang bahagi ng pagsisikap na panagutin ang mga sangkot at linawin ang mga isyung kinasasangkutan ng pondo ng pamahalaan.
Binigyang-diin na ang sinumang bigong sumipot sa pagdinig, sa kabila ng ipinadalang subpoena, ay maaaring ipag-utos ng Senado na arestuhin upang pilitin ang kanilang pagdalo at kooperasyon sa isinasagawang imbestigasyon.











