--Ads--

Dead-on-arrival sa ospital ang isang rider matapos sumalpok sa tangke ng isang truck sa Barangay San Andres, Santiago City bandang ala-1:00 kaninang madaling araw, Biyernes, Enero 16.

Kinilala ang nasawi na si Patric Legara, 23-anyos, residente ng Brgy. Olango, Mallig, Isabela. Habang ang truck ay minamaneho ni alyas “Andoy”, 37-anyos, residente ng Purok 1, Legaspi City, Albay.

Ayon sa Traffic Enforcement Unit (TEU) ng Santiago City, patungong Brgy. Rizal si Legara nang biglang mapunta sa kabilang linya ang kanyang motorsiklo at sumalpok sa kaliwang unahan ng paparating na truck. Ang malakas na impact ay tumama sa tangke ng truck, na nagdulot ng malubhang pinsala sa biktima.

Isinugod agad si Legara sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklarang patay na sa pagdating. Nasira ang parehong motorsiklo at truck.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang tukuyin ang kabuuang pinsala at sanhi ng aksidente.

--Ads--