--Ads--

Nilinaw ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na wala pang isinasampang kaso at wala ring inilalabas na warrant of arrest laban kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, kaya’t hindi siya maaaring pilitin ng pamahalaan na bumalik sa Pilipinas.

Pahayag ito ni Castro kasunod ng mga ulat na umano’y may maling impormasyong naibigay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng mga flood control projects na sinasabing may bahid ng katiwalian.

Ayon kay Castro, maaari lamang mapilit na pauwiin si Bonoan kung mayroon na itong nakabinbing kaso, may umiiral na warrant of arrest, at nakansela na ang kanyang pasaporte, mga kundisyong magtatakda sa kanya bilang isang fugitive.

Sa kasalukuyan, aminado si Castro na limitado ang magagawa ng gobyerno dahil may karapatan pa rin si Bonoan sa tinatawag na “freedom of movement.”

--Ads--

Matatandaang nagtungo sa Estados Unidos si Bonoan upang samahan umano ang kanyang asawa sa pagpapagamot, subalit hindi na ito nakabalik sa bansa noong Disyembre 17, 2025, ang itinakdang petsa ng kanyang pagbabalik.

Nanawagan naman si Castro sa publiko na makipagtulungan at magbigay ng impormasyon sakaling may nalalaman ang mga ito hinggil sa kasalukuyang kinaroroonan ni Bonoan.