Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Echague, Isabela na masusing susuriin at ipaaayos muna ang lahat ng environmental at health-related issues ng mga ipinasarang poultry farm bago sila payagang muling mag-operate.
Matatandaang idineklara ng lokal na pamahalaan ng Echague ang State of Public Health Emergency bunsod ng lumalalang fly infestation at patuloy na mabahong amoy na umano’y nagmumula sa ilang poultry farms sa bayan, na nagdulot ng pangamba at reklamo mula sa mga residente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Faustino “Inno” Dy V, sinabi ng alkalde na bagama’t mahalaga sa lokal na pamahalaan ang mga poultry farm bilang pinagkukunan ng kita at kabuhayan ng maraming mamamayan, hindi nila isinasantabi ang kalusugan at kapakanan ng publiko.
Ayon kay Mayor Dy, ang Echague, Isabela ang may pinakamaraming poultry farm sa buong Northern Luzon, kaya nararapat lamang na masiguro ng pamahalaang lokal na ang mga ito ay mahigpit na sumusunod sa umiiral na mga batas at regulasyon ukol sa pangangalaga sa kalikasan at kalusugan.
Dagdag pa ng alkalde, hindi lamang mga poultry farm ang saklaw ng reklamo ng mga residente kundi pati na rin ang ilang dressing plant na umano’y pinagmumulan din ng mabahong amoy.
Aniya sa ibang lugar ay nakakasunod naman ang mga poultry farms sa panuntunan kaya nararapat lamang na makasunod din ang mga farm owners sa Echague Isabela.
Sa kasalukuyan ay patuloy na nagsasagawa ng inspeksiyon at evaluation ang lokal na pamahalaan katuwang ang mga kinauukulang ahensiya upang matiyak ang compliance ng mga poultry farm at dressing plant owners sa mga kinakailangang environmental at sanitation requirements.
Iginiit ni Mayor Dy na tanging ang mga establisyimentong makapapasa sa inspeksiyon at ganap na makasusunod sa mga itinakdang kondisyon ang papayagang muling mag-operate at saka lamang pahihintulutang mag-apply muli ng kanilang business permit.











