--Ads--

Mas masinsinan at mas organisado ang paghahanda ng City of Ilagan Tourism Office para sa nalalapit na Bambanti Festival sa lalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maria Cristina Simon, Tourism Officer ng City of Ilagan, sinabi niya na mas pinalawak ng kanilang tanggapan ang konsultasyon sa mga cultural workers, kabilang ang mga choreographer at designer, upang mapanatili ang mataas na kalidad ng kanilang mga pagtatanghal at patuloy na makapagpakilala ng mga bagong inobasyon na sumasalamin sa pagkakakilanlan at kultura ng Ilagan.

Ayon kay Simon, bagama’t nakakaramdam pa rin ng pressure ang kanilang grupo bilang defending champion sa lahat ng kategorya ng mga aktibidad ng festival, mas nangingibabaw pa rin ang inspirasyon at determinasyon ng kanilang hanay.

Dagdag pa niya, pinagtutuunan ng pansin ng kanilang opisina ang mga major events tulad ng street dance competition, showdown competition, at festival booth, gayundin ang Queen Isabela, dahil malaki ang puntos ng mga ito para sa overall championship.

--Ads--

Sinabi rin ni Simon na masusing pinaghandaan ang kanilang kandidata sa pageant, dahil hindi umano basta-basta ang kompetisyon bunsod ng paglahok ng mga mahuhusay at naggagandahang mga kandidata mula sa iba’t ibang lugar sa lalawigan.

Samantala, inaanyayahan ng City of Ilagan Tourism Office ang publiko na manood at makiisa sa pagdiriwang ng Bambanti Festival, bilang pakikiisa sa pagpapalaganap ng kultura at pagkakakilanlan ng lalawigan ng Isabela.