--Ads--

Tinalakay at agarang inaksiyunan ng Lokal na Pamahalaan ng Naguilian ang isyu kaugnay sa maruming tubig na iniulat ng ilang residente ng Barangay Palattao, matapos makatanggap ng mga sumbong mula sa komunidad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Mayor Edgar “Egay” Capuchino, sinabi niya na sa oras na matanggap nila ang reklamo patungkol sa kondisyon ng tubig sa nasabing barangay ay agad silang nakipag-ugnayan sa hanay ng Naguilian Water District upang mabilis na matukoy ang sanhi at makahanap ng solusyon sa problema.

‎Giit umano ng Naguilian Water District, naitaon lamang na nagsagawa sila ng paglilinis sa kanilang mga linya o pasilidad kaya naging marumi ang lumabas na tubig sa ilang kabahayan. Paliwanag ng ahensya, pansamantala lamang ang naturang sitwasyon at inaasahang babalik sa normal ang kalidad ng suplay ng tubig matapos ang isinagawang maintenance activity.

‎Sa kasalukuyan, sinabi ni Mayor Capuchino na wala pa silang natatanggap na panibagong reklamo o sumbong mula sa mga residente ng Brgy. Palattao hinggil sa maruming tubig, indikasyon umano na maaaring naresolba na ang nasabing problema.

--Ads--

‎Gayunman, tiniyak ng alkalde na nananatiling bukas ang tanggapan ng lokal na pamahalaan para sa anumang reklamo o concern ng publiko, sakaling muling maranasan ang kaparehong isyu. Hinikayat din niya ang mga residente na agad mag-report sa LGU o sa Naguilian Water District kung sakaling hindi tuluyang masolusyunan ang problema upang agad itong maaksyunan.

‎Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng LGU Naguilian sa Naguilian Water District upang masiguro ang maayos at ligtas na suplay ng tubig sa lahat ng barangay sa bayan.