Pinawalang-sala ng Manila RTC Branch 15 si dating Negros Oriental congressman Arnolfo Teves Jr. at dalawa pang akusado sa kasong pagpatay kay dating board member Miguel Dungog noong 2019.
Kasama ni Teves na naabsuwelto sina Richard Namoco Cuadra at Rolando Pinili, at iniutos ng korte ang kanilang paglaya dahil sa kakulangan ng ebidensiya. Gayunman, mananatili si Teves sa kulungan dahil sa iba pang kasong murder, frustrated murder, at illegal possession of firearms and explosives na hindi maaaring piyansahan.
Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, hindi nangangahulugang makakalaya na si Teves dahil may iba pa siyang kinahaharap na kaso. Samantala, ini-archive ng korte ang mga kaso laban sa tatlong iba pang akusado na nananatiling at large.
Bukod sa kasong ito, nakasampa pa rin ang mga reklamo laban kay Teves kaugnay sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at iba pa noong Marso 2023.











