Magdaraos ng job fair ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa pangunguna ng Public Employment Service Office sa Enero 20, 2026 kasabay ng pagdiriwang ng Bambanti Festival.
Ito ay gaganapin sa ground floor ng Queen Isabela Park Provincial Capitol Compound, Alibagu, Ilagan City, Isabela mula alas-8 ng umaga hanggang alas-tres ng hapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PESO Officer Jeng Reyes, sinabi niya na mayroong 50 local employers at 8 overseas companies na makikiisa sa naturang job fair.
Sa kabuuan ay aabot sa 700 positions ang bakante na pwedeng aplayan ng mga job applicants.
Para sa mga interesado, magdala lamang ng maraming kopya ng application forms, resume, biodata, transcript of records at iba pang basic documents na kinakailangan sa pag-aapply.
Pagkakataon na kasi aniya ito ng mga applicants na mag-apply sa iba’t ibang kumpanya upang mas tumaas ang tiyansa na ma-hire.
Samantala, batay sa datos ng PESO as of 2024, nasa 97.1% ang employment rate sa lalawigan habang 2.4% naman ang unemployment rate.
Ang naturang employment rate ng lalawigan ay mas mataas umano kumpara sa national average rate na 94%. Ito ay dahil sa agricultural sector ang Isabela na nakapagbibigay ng trabaho sa maraming Isabeleño.











