Ganap nang ipinatutupad sa Cauayan City ang Digital PWD ID System na layong mapadali ang pagkuha at pag-access ng identification card ng mga Persons with Disabilities sa Lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Disability Affairs Officer Jonathan Galutera ng Cauayan City, sinabi niya na ang Digital PWD ID ay maaring ma-access gamit ang cellphone at tanging ang may-ari lamang ang maaaring gumamit nito.
Para naman sa mga PWD na walang smart phone, maaari pa ring magpa-print ng kanilang ID bilang alternatibo.
Sa kasulukuyan, website base pa rin ang online application ng PWD ID gayunman, mas inirerekomenda ang walk-in application dahil dito mismo nagagawa ang paglikha ng username o password na gagamitin sa pag-generate ng digital ID.
Aniya, mas nagiging madali para sa mga aplikante ang personal na pag-aaply lalo na sa mga hindi sanay sa online platforms.
Ang Digital PWD System ay unang naipakilala noong Nobyembre ng nakaraang taon ngunit ngayong taon lamang ito ganap na ipatutupad bilang bahagi ng modernisasyon ng serbisyo para sa sektor ng PWD.











