--Ads--

Nagsagawa ng send-off ceremony ang Isabela Police Provincial Office (IPPO) para sa 304 na personnel na itatalaga sa pagpapatupad ng seguridad kaugnay ng Bambanti Festival 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Scarlette Topinio, Information Officer ng IPPO, sinabi niyang tiniyak ng pamunuan na magiging mahigpit at tuluy-tuloy ang pagbabantay ng pulisya mula sa pagbubukas hanggang sa pagtatapos ng selebrasyon upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Bukod sa deployment ng mga pulis, ipinakita rin sa isinagawang send-off ceremony ang logistical capabilities ng IPPO, na sumasalamin sa kahandaan ng kapulisan pagdating sa manpower, kagamitan, at iba pang resources na kakailanganin sa panahon ng pagdiriwang.

Makakatuwang din ng PNP sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad ang iba’t ibang unit tulad ng Isabela Security and Management Team (ISMART), Provincial Explosive Canine Unit (PECU), at Regional Mobile Force Battalion (RMFB).

--Ads--

Ipinaliwanag din sa mga personnel ang mga panuntunan at responsibilidad na kanilang gagampanan, lalo na sa kasagsagan ng mga aktibidad ng festival, kabilang ang crowd control, pagpapanatili ng peace and order, at pamamahala ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan.

Inaasahan ng IPPO ang pagdagsa ng mga bisita at motorista mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan at mga karatig-probinsiya, kaya naman magtatalaga ng mas maraming personnel upang magbantay at magmamando sa trapiko.

Samantala, inanyayahan ng IPPO ang publiko, mula man sa loob o labas ng lalawigan ng Isabela, na makibahagi at bumisita sa Bambanti Festival, kasabay ng paalala na makipagtulungan sa mga awtoridad upang maging maayos, ligtas, at matagumpay ang pagdiriwang.