Maingat na ina-assess ng Pamahalaang Bayan ng Naguilian ang mga proyektong bibigyang-prayoridad na paglalaanan ng humigit-kumulang ₱40 milyong pondo na ipatutupad ngayong 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Mayor Edgar “Egay” Capuchino, kabilang sa mga pangunahing tututukan sa unang quarter ng taon ang edukasyon at agrikultura, bilang mga sektor na may malaking epekto sa kabuhayan at kinabukasan ng mamamayan.
Aniya, sisimulan na ang renobasyon ng ilang pampublikong paaralan sa bayan upang mapabuti ang pasilidad at kalagayan ng mga mag-aaral. Kabilang sa mga paaralang nakatakdang iparenovate ang Palattao Elementary School, San Roque Elementary School, Rang-ayan Elementary School, at iba pang paaralan sa iba’t ibang barangay.
Dagdag pa ng alkalde, tapos na ang isinagawang inspection upang matukoy ang mga kinakailangang ayusin at isagawa sa mga eskwelahan, at uumpisahan na rin ang pagbili ng mga materyales na gagamitin para sa mga proyekto.
Bukod sa edukasyon, tututukan din ng lokal na pamahalaan ang mga proyektong may kaugnayan sa agrikultura, na layong mapalakas ang produksyon at masuportahan ang mga magsasaka sa bayan.
Tiniyak ni Mayor Capuchino na magiging maayos at transparent ang pagpapatupad ng mga proyekto upang masiguro na mapapakinabangan ng mamamayan ng Naguilian ang pondo at mga programang inilaan para sa kanila.









