Mahigpit na babantayan ng Public Order and Safety Division (POSD) ang lahat ng isinasagawang road reblocking sa Lungsod ng Cauayan upang matiyak na sumusunod sa mga itinakdang alituntunin ang mga kontraktor.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, tututukan ng kanilang tanggapan ang lahat ng proyektong road reblocking at sisiguruhing maayos ang mga safety measures na ipinatutupad ng mga kontraktor.
Kabilang sa mga ipinatupad na alituntunin ay ang pagkakaroon ng malinaw na road signages upang maabisuhan ang mga motorista hinggil sa naturang aktibidad.
Kinakailangan ding may mga nakatalagang flagmen na gagabay sa daloy ng trapiko lalo na sa mga kalsada na bahagya o pansamantalang hindi madaanan.
Mahalaga rin umano ang paglalagay ng safety barriers, warning lights at iba pang traffic control devices upang maiwasan ang aksidente lalo na sa gabi.
Nagbabala naman si Mallillin na kung mayroon mang mga kontraktor na hindi makasunod sa patakaran ay agad na ipatitigil ng POSD ang road reblocking hanggang sa maitama ang mga kakulangan.
Ito ay upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko habang isinasagawa ang mga proyekto sa kalsada sa lungsod.











