--Ads--

‎Pasanin ng mga residente at motorista ang hindi maayos na kondisyon ng pangunahing daanan sa ilang barangay ng Cauayan City, kabilang ang Barangay Labinab, na ginagamit din ng mga kalapit na lugar patungo sa poblacion.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Luis Cristobal, residente ng Barangay Labinab, tinatayang nasa apat na taon nang nararanasan ng komunidad ang hirap sa pagbiyahe dahil sa masamang kalagayan ng kalsada.

‎Aniya, batid ng mga residente sa West Tabacal area at maging ng mga opisyal ng barangay ang kondisyon ng naturang daanan na nagsisilbing mahalagang ruta ng mga mamamayan.

‎Ibinahagi ni Cristobal na may mga naitala ng aksidente sa lugar na iniuugnay sa kahirapan ng daanan, lalo na para sa mga motorista at mga dumaraang sasakyan.

‎Sa kabila ng matagal na suliranin, ikinatuwa ng mga residente ang pagsisimula ng road improvement project ng lokal na pamahalaan sa naturang lugar.

‎Gayunman, inamin niya na sa kasalukuyang yugto ng konstruksyon ay patuloy pa rin ang hirap na nararanasan ng mga residente dahil hindi pa ganap na maayos ang daanan. Aniya, kinakailangan muna ng pagtitiyaga habang isinasagawa ang proyekto, kasabay ng pag-asa sa positibong resulta nito.

‎Umaasa ang mga residente ng Barangay Labinab na mapapabilis ang pagkumpleto ng road improvement upang masiguro ang kaligtasan at mas maayos na daloy ng transportasyon, hindi lamang sa kanilang barangay kundi pati sa mga karatig-lugar na gumagamit ng naturang ruta.