--Ads--

Ipina-Bombo ng ilang mga magsasaka sa Barangay San Francisco, Cauayan City ang ginawa umanong paniningil ng 50 pesos ng mga opisyal ng barangay para sa bawat sako ng abono na ipinamamahagi ng Department of Agriculture.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa isang magsasaka na itinago sa alyas na “AJ”, hindi na nagpa tape interview, sinabi niya na bawat pamamahagi ng abono ay naniningil ang mga opisyal ng barangay ng tig 50 pesos sa bawat sako na sinasabi namang ginagamit para sa meryenda ng mga naghahakot.

Aniya, nauunawaan naman na kinakailangang magbigay ng pang meryenda subalit ang hindi lamang aniya malinaw sakanila sapilitan ang pagbabayad.

Matagal na aniyang kalakaran ang pagbabayad ngunit noong nag reklamo ang ilang magsasaka ay ginawa na lamang itong 20 pesos na kalaunan ay ibinalik nanaman sa 50 pesos.

--Ads--

Buong akala umano nila ay libre dapat ang abono na nanggaling sa DA at hindi dapat magpabayad ang barangay.

Samantala, hindi naman itinanggi ng mga opisyal ng barangay na sila ay nagpapabayad ng 50 pesos sa mga magsasaka na nasa masterlist na makakakuha ng abono.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Heherson Miranda, sinabi niya na ang sinisingil ay nakalaan para sa meryenda, pagkain, at kaunting bayad para sa mga naghakot ng abono mula bodega ng DA hanggang sa kanilang barangay.

Bukod dito, tinatanggal na rin sa 50 pesos ang transpo o pamasahe ng abono, kahit pa man kasi aniya libre ang sasakyan na ibinigay ng provincial government ay kinakailangan pa rin dito ang diesel.

Dagdag pa niya, hindi lamang ang kanilang barangay ang gumagawa ng ganitong patakaran kaya laking gulat na lamang aniya nila nang magreklamo ang ilang residente sa Mayor’s office at sa City Agriculture Office.

Samantala, upang hindi na mag reklamo ang mga residente, plano naman ng barangay na ihinto na lamang ang isahang paghahakot ng abono o binhi ng mga magsasaka.

Upang hindi maging problema, hahayaan na lamang umano nilang kunin ng mga magsasaka ang abono sa mismong bodega ng DA na matatagpuan sa Barangay Tagaran.