Muling nakapagtala ang PNP ng pagkasawi dahil sa road crash incident sa Cordon, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Vineous Ojas Paragas, Operations Officer ng Cordon Police Station, sinabi niya na puspusan ang kanilang ginagawa upang mapababa ang bilang ng road crash incidents sa pamamagitan ng paglalagay ng karagdagang signage at ilaw sa mga accident-prone areas.
Nito lamang Enero 16, isa na namang motorsiklo ang sumalpok sa poste ng kuryente.
Ang biktima sa aksidente ay si Reymond Celso, 30-anyos, isang security guard na residente ng Malapat, Cordon, Isabela.
Batay sa imbestigasyon, lulan ng motorsiklo ang biktima at pauwi mula sa duty nang tila nakatulog umano, dahilan upang sumalpok siya sa poste sa pakurbadang bahagi ng kalsada.
Dahil sa insidente, nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang biktima at agad binawian ng buhay.
Nagpaalala muli ang PNP sa mga motorista na ugaliing magsuot ng helmet bilang proteksyon sakaling masangkot sa aksidente.










