Nakatakdang simulan ng Department of Justice (DOJ) ngayong linggo ang paunang imbestigasyon sa mga kasong plunder laban kay Senador Jinggoy Estrada at dating senador Ramon Revilla Jr. kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, maglalabas ng subpoena laban kina Estrada at Revilla para sa paglabag sa Republic Act 7080 o Anti‑Plunder Law.
Sinabi ni Fadullon na nagsagawa ng fact‑finding investigation ang National Bureau of Investigation (NBI) kasama ang mga piskal, at kalaunan ay nagsumite ng rekomendasyon sa Office of the Ombudsman.
Hindi tinukoy ang eksaktong halaga ng pondong umano’y naipon nina Revilla at Estrada.
Dagdag pa ni DOJ spokesman Raphael Niccolo Martinez, hindi lamang sa Bulacan nakasentro ang mga kaso kundi saklaw din ang iba’t ibang flood control projects sa buong bansa.
Ibinunyag din ni Fadullon na ilang kongresista ang haharap sa kasong kriminal kaugnay ng flood control corruption scandal. Limang reklamo laban sa SYMS Construction na may kinalaman sa ghost projects ang nakatakdang resolbahin ngayong linggo. Ang mga reklamong ito ay isinampa noong Disyembre 2025.











