Hinimok ng isang mambabatas ang Department of Justice na linawin kung bakit hindi isinama bilang state witnesses sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, kapwa dating engineers ng Bulacan First District, sa kaso ng mga anomalous flood control projects.
Ayon kay Bicol-Saro Party-list Rep. Terry Ridon, si dating DPWH Bulacan District Engineer Henry Alcantara lamang ang tinanggap bilang state witness kahit mas malaki umano ang kanyang pananagutan, habang nananatiling respondents sina Hernandez at Mendoza.
Binanggit ni Ridon na sina Hernandez at Mendoza ang unang nagbunyag ng umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo sa DPWH First District Engineering Office, kaya mahalagang ipaliwanag ng DOJ kung bakit hindi sila tuluyang isinama sa Witness Protection Program.
Nauna nang sinabi ng DOJ na sina Alcantara at dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo ay nasa provisional acceptance bilang protected witnesses, kasama rin sina Hernandez at Mendoza, subalit wala pa umanong sapat na batayan upang tanggapin ang dalawa bilang ganap na state witnesses.
Sa ngayon, nananatiling respondents sina Hernandez at Mendoza sa mga kasong malversation, graft, at falsification of documents kaugnay ng mga flood control projects sa Bulacan.











