Ipinagmamalaki ni Municipal Mayor Edgar “Egay” Capuchino ang napakaraming proyektong naipatupad ng pamahalaang bayan ng Naguilian sa loob ng taong 2025, na ayon sa kanya ay malinaw na patunay ng aktibo at masinop na pamamahala ng kanyang administrasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Capuchino, kabilang sa mahahalagang proyektong kanilang naisakatuparan ay ang pagtatayo ng slaughter house na magsisilbing pasilidad para sa maayos, ligtas, at malinis na pagkatay ng mga hayop, upang matiyak ang kalinisan at kaligtasan ng karne na ibinebenta sa pamilihan. Aniya, malaking tulong ito sa pangangalaga sa kalusugan ng publiko at sa pagsunod sa mga pamantayan ng meat inspection.
Kasama rin sa mga natapos na proyekto ang mga substation na itinayo upang mapalakas at maging mas episyente ang suplay ng kuryente sa iba’t ibang bahagi ng bayan. Ayon sa alkalde, layon ng mga substation na mabawasan ang brownout, mapabuti ang boltahe ng kuryente, at masuportahan ang patuloy na paglago ng mga negosyo at kabuhayan sa Naguilian.
Dagdag pa ni Mayor Capuchino, sa dami ng mga proyektong naisakatuparan ng kanilang administrasyon ay halos hindi na niya maisa-isa ang lahat ng ito. Aniya, ang mga proyekto ay bunga ng maingat na pagpaplano at wastong paggamit ng pondo ng bayan.
Kaugnay nito, pinangako ng alkalde na sa taong 2026 ay mas lalo pa nilang pagbubutihin ang pagpapatupad ng mga proyektong tunay na mapapakinabangan ng mamamayan. Tiniyak niya na patuloy na tututok ang lokal na pamahalaan sa mga programang magpapabuti sa serbisyong panlipunan at magtutulak sa mas maunlad na bayan ng Naguilian.











