Nagpadala ng siyam na personnel ang Delfin Albano Police Station sa Lungsod ng Ilagan para sa Bambanti Festival 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Henry Carag Turo, Chief Operations PCO ng Delfin Albano Police Station, sinabi nito na bawat lokal na istasyon sa Isabela ay mayroong augmentation sa pagpapanatili ng peace and order sa naturang kapistahan.
Bagama’t pansamantalang nabawasan ang kanilang hanay ay naka-alert status pa rin sila nang sa ganoon ay matiyak na magagampanan pa rin nila ang kanilang mandato sa publiko.
Samanatala, tuloy-tuloy pa rin ang pagpapanatili nila ng kaayusan sa bayan ng Delfin Albano sa pakikipagtulungan na rin sa mga opisyales ng barangay at sa mga residente, alinsunod na rin sa direktiba ng bagong Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office na si PCol. Manuel Bringas.
Mas pinaigting din ang police visibility sa bayan ng Delfin Albano sa pamamagitan ng pagtatalaga ng checkpoints, at regular patrolling.
Ilan naman sa mga best practices ng kanilang himpilan ay ang ‘Pulis Scholar sa Barangay’ kung saan tinutulungan nila ang mga deserving na mga kabataan sa kanilang pag-aaral.
Sa ngayon ay mayroon nang apat na scholar ang kanilang himpilan na pawang nasa elementarya na.











