Arestado ang isang 60-anyos na senior citizen matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu at baril sa isinagawang pagpapatupad ng search warrant ng kapulisan nitong Enero 18, 2026 sa Zone 3, Barangay Macanaya, Aparri, Cagayan.
Itinago ang suspek na si alyas “Pekto,” biyudo, tricycle driver, at residente ng nasabing lugar.
Dakong alas-12:34 ng madaling-araw nang ipatupad ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police ang search warrant sa bahay ng biktima kaugnay ng paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Sa isinagawang paghahalughog sa loob ng bahay ng suspek, nasamsam ng mga awtoridad ang siyam na piraso ng transparent plastic sachet na may bakas ng hinihinalang shabu; isang plastic container na naglalaman ng puting cristalyne substance na pinaniniwalaang shabu na may tinatayang bigat na 500 grams at halagang humigit-kumulang ₱3.4 milyon; at isang sachet ng shabu na may tinatayang bigat na 10 grams na nagkakahalaga ng ₱68,000.
Narekober din sa pag-iingat nito ang iba pang drug paraphernalia tulad ng lighter, aluminum foil, plastic straw, improvised tooter, isang carton box, at isang magazine ng kalibre 9mm.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Aparri Police Station katuwang ang iba’t ibang unit ng PNP.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Pulisya ang suspek para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.









