--Ads--

Hindi na nakapalag pa ang isang 32-anyos na truck driver matapos itong posasan ng mga kasapi ng PNP Echague dakong tanghali ng Enero 18 sa Bayan ng Echague, Isabela.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Rene,” may asawa, tubong Mindanao, isang truck driver at walang permanenteng tirahan sa nasabing bayan.

Sa pagpapahayag ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Captain Abner Acad ng PNP Echague, nakatanggap siya ng tawag dakong alas-onse ng umaga mula sa isang pagawaan ng feeds sa nasabing bayan. Iniulat umano na may nahuli silang isang indibidwal na nahulian ng hinihinalang shabu.

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at nang magsagawa ng beripikasyon ay nakumpiska mula sa suspek ang hinihinalang ilegal na droga. Kaagad itong pinosasan at dinala sa himpilan ng PNP Echague.

--Ads--

Inamin naman ng suspek na sa kanya ang nakulimbat na shabu at sinabi niyang nabili niya ito mula sa kapwa niya truck driver.

Sa kasalukuyan, patuloy na humihimas ng malamig na bakal ang suspek habang nakapiit sa selda ng PNP Echague.