--Ads--

Nasamsam ng pulisya ang isang kargamento ng smuggled na sigarilyo sa isinagawang routine border checkpoint operation sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Tactac, Sta. Fe, Nueva Vizcaya, kagabi, Enero 18, 2025.

Pinangunahan ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng 2nd Maneuver Platoon ng 205th Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 2 (RMFB2) katuwang ang Sta. Fe Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit (PIU) at Regional Intelligence Unit (RIU) ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO).

Dalawang indibidwal ang naaresto na kinilalang sina alyas “Ramram,” 42 taong gulang, may asawa, drayber at residente ng Paco, Maynila, at alyas “Vin,” 48 taong gulang, helper at residente ng Pasay City.

Ayon sa pulisya, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng 24/7 border checkpoint mula sa isang informant tungkol sa isang puting Elf truck na umano’y may kargang smuggled na sigarilyo at daraan sa naturang lugar.

--Ads--

Namataan ang nasabing sasakyan na patungong northbound subalit hindi agad tumigil sa checkpoint. Dahil dito, hinabol at hinarang ng mga awtoridad ang sasakyan hanggang sa mapatigil ito sa gilid ng kalsada.

Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ang mga kahon ng sigarilyo na hindi tumutugma sa ipinakitang resibo na nagsasaad lamang ng 100 kahon ng assorted dry goods.

Sa beripikasyon, lumabas na ang aktuwal na kargamento ay binubuo ng 251 kahon ng RGD cigarettes at 20 kahon ng Mighty cigarettes, na may tinatayang kabuuang halaga na ₱6.42 milyon.

Napag-alaman sa karagdagang imbestigasyon na nagmula ang kontrabando sa Pasay City at nakatakdang ihatid sa Cauayan City, Isabela.

Matapos ang isinagawang imbentaryo, dinala ang mga suspek at ang mga nakumpiskang sigarilyo sa Sta. Fe Police Station para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanila.