Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkakatuklas ng natural gas na matatagpuan humigit-kumulang limang kilometro sa silangan ng Malampaya Field sa Palawan.
Sa isang video message, sinabi ng Pangulo na ang bagong tuklas na gas reservoir na tinawag na Malampaya East-1 (MAE-1) ay may tinatayang 98 billion cubic feet ng natural gas, na katumbas ng halos 14 bilyong kilowatt-hour ng kuryente kada taon.
Ayon sa Pangulo, sapat ang naturang suplay upang makapagbigay ng kuryente sa mahigit 5.7 milyong kabahayan, 9,500 gusali, o halos 200,000 paaralan sa loob ng isang taon.
“I am pleased to inform everyone that for the first time in over a decade, a significant natural gas discovery has been made,” pahayag ni Pangulong Marcos Jr.
Dagdag pa niya, inaasahang magpapalakas at magpapatatag sa domestic gas supply ng bansa ang naturang tuklas sa mga susunod na taon.
Bukod sa natural gas, natuklasan din ang condensate, isang de-kalidad na uri ng liquid fuel na inaasahang makatutulong nang malaki sa pagtiyak ng matatag na suplay ng kuryente sa bansa.











