--Ads--

Nasamsam ng pulisya ang isang kargamento ng smuggled na sigarilyo sa isinagawang routine border checkpoint operation sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Tactac, Sta. Fe, Nueva Vizcaya, kagabi bandang alas 9:30, Enero 18.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Lieutenant Liza Agbayani, Deputy Chief of Police ng Sta. Fe Police Station, sinabi niyang nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad dakong 8:39 ng gabi hinggil sa isang closed van na may lamang kontrabando.

Namataan ang nasabing sasakyan na patungong northbound sa Dalton Pass Checkpoint subalit hindi agad ito tumigil. Dahil dito, hinabol at hinarang ng mga awtoridad ang sasakyan hanggang sa mapatigil ito sa gilid ng kalsada, 50 metro mula sa checkpoint.

Ayon kay PLt. Agbayani, nang hingan ng dokumento ang nilalaman na kontrabando, nagpakita lamang ang mga ito ng delivery receipt na nagsasaad ng isang daang assorted dry goods na nagkakahalaga ng 200,000 pesos.

Subalit ito ay taliwas sa isinagawang inspeksyon ng pulisya. Sa beripikasyon, lumabas na ang aktuwal na kargamento ay binubuo ng 251 kahon ng RGD cigarettes at 20 kahon ng Mighty cigarettes, na may tinatayang kabuuang halaga na ₱6.42 milyon.

--Ads--

Samantala, inaresto ang drayber at pahinante na itinago sa mga alyas na “Ramram”, 42 taong gulang, may asawa, drayber at residente ng Paco, Maynila, at alyas “Vin”, 48 taong gulang, helper at residente ng Pasay City.

Napag-alamang nagmula umano sa Pasay City ang kargamento at nakatakdang ihatid sa Cauayan City, Isabela, kung saan ang consignee ay itinago sa alyas na “Buboy”. Inihayag din ng drayber na may sasalubong sa kanila sa kahabaan ng daan upang doon I-turn over ang kontrabando.

Samantala, nagpaalala ang Sta. Fe Police Station sa mga motorista at negosyante na tiyaking kumpleto at lehitimo ang mga dokumento ng kanilang mga produkto. Patuloy namang naghihigpit ang pulisya sa checkpoints upang mapigilan ang pagpasok ng mga ilegal na kontrabando at kalakal sa rehiyon dos.