Nagpaliwanag ang Cauayan City Agriculture Office kaugnay sa umano’y paniningil sa mga magsasaka ng Barangay San Francisco na nagkakahalaga ng P50 kada sako ng abono.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Agriculturist Engr. Ricardo Alonzo, sinabi nitong hindi ang kanilang tanggapan ang naniningil sa mga magsasaka. Aniya, nagkakaroon lamang ng ganitong isyu kapag ang barangay mismo ang kumukuha ng libreng abono mula sa kanilang bodega.
Paliwanag umano ng barangay Kapitan ng naturang barangay, ang halagang P50 ay panustos sa diesel, bayad sa mga taong nagbubuhat, at sa driver ng truck na nagdadala ng abono mula sa bodega, upang hindi mahirapan at maantala ang mga magsasaka sa kanilang pagkuha.
Dagdag ni Engr. Alonzo, binibigyan din ng opsyon ang mga magsasaka na direktang kunin ang kanilang libreng abono mula sa tanggapan o bodega ng City Agriculture Office upang maiwasan ang anumang hindi pagkakaunawaan.
Hinihiling niya sa mga opisyales ng barangay na ipaliwanag sa mga magsasaka na ang P50 ay hindi pamasahe kundi kontribusyon lamang para sa mga magbubuhat at pambili ng diesel.
Ayon pa kay Engr. Alonzo, may higit-kumulang na 500 sako ng libreng abono na inilaan para sa mga magsasaka sa Barangay San Francisco.
Matatandaang ipinaBombo ng ilang magsasaka sa Barangay San Francisco, Cauayan City, ang umano’y paniningil ng P50 para sa bawat sako ng abono na ipinamamahagi ng Department of Agriculture.
Samantala, nanawagan ang tanggapan ng City Agriculture Office sa mga magsasaka na hindi pa nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) na agad ng magparehistro upang makasali sa mga programa ng Department of Agriculture.











