Ipinagmalaki ng Alkalde ng Lungsod ng Ilagan ang pagiging Most Awarded City in Cagayan Valley sa ginanap na opening ng Bambanti Village kahapon, Enero 18.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Mayor Jay Diaz, malayo na ang narating ng Ilagan mula sa dati nitong kalagayan bilang isa sa mga pinakamahihirap na lungsod sa buong Pilipinas.
Aniya, sa kasalukuyan ay nasa ika-49 (apatnaput- siyam) na ranggo na ang Lungsod ng Ilagan sa listahan ng mga pinakamayamang lungsod sa bansa mula sa kabuuang 149 (Isang daan at apatnaput- siyam) na lungsod.
Ibinida rin ng alkalde ang malaking ambag ng sektor ng agrikultura sa patuloy na pag-unlad ng lungsod. Bilang kinikilalang Corn Capital, isa rin umano ang Ilagan City sa mga lungsod na nagpo-produce ng dairy products sa bansa.
Ayon pa kay Mayor Diaz, tinatayang isang porsyento lamang ng dairy products sa buong bansa ang nagmumula sa mga lokal na supplier, at 0.3% nito ay nagmumula sa Lungsod ng Ilagan, patunay aniya ng potensyal ng lungsod sa industriya ng agrikultura at livestock.
Dagdag ng alkalde, ang mga natamong parangal ng lungsod ay bunga ng maayos na pamamahala, kooperasyon ng mga mamamayan, at patuloy na pagtutok ng lokal na pamahalaan sa kaunlaran at serbisyong panlipunan.
Samantala, ginagawa umano ng lungsod ang lahat ng makakaya upang mapanatili ang titulo bilang Overall Champion sa Bambanti Festival.











