Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na ngayong araw planong iharap sa Sandiganbayan ang mga dating opisyal ng DPWH na sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza.
Ito ay kasunod ng pag-isyu ng Sandiganbayan Third Division ng warrant of arrest at hold departure order laban sa dalawa kaugnay ng mga kasong graft at malversation na may kaugnayan sa umano’y ghost flood control projects sa Pandi, Bulacan.
Ayon kay NBI Spokesperson Palmer Mallari, inabot ng magdamag ang pagsasagawa ng booking procedure at medical examination ng dalawang dating DPWH District Engineer.
Paliwanag pa ni Mallari, matagal din ang proseso ng paghahanda ng return of warrant kaya ngayong araw na lamang sila dadalhin sa Sandiganbayan.
Bandang pasada alas-8:00 ng gabi nang arestuhin ng mga operatiba ng NBI sina Hernandez at Mendoza habang nasa detention facility ng Senado.
Ang dalawang dating opisyal ng DPWH sa Bulacan ay apat na buwang nakapiit sa Senado matapos silang ma-cite in contempt dahil sa umano’y pagsisinungaling o hindi pagsasabi ng totoo sa patuloy na imbestigasyon kaugnay ng flood control anomaly.











