Mariing pinabulaanan ng abugado ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na si Atty. Ade Fajardo ang mga alegasyong inilahad ng mga testigong sina Joy at Maria sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee laban sa mambabatas.
Sa pagdinig, iginiit ng mga testigo na sinabi umano sa kanila ng kontraktor na si Curlee Discaya na si Romualdez ang bumili ng isang bahay sa South Forbes Park.
Ayon kay Fajardo, imposible ang naturang pahayag dahil sa sinumpaang salaysay ni Discaya na hindi pa ito nakapasok sa nasabing bahay, kaya’t hindi umano niya nakausap o nabigyan ng tagubilin ang mga testigo.
Dagdag pa ni Fajardo, gawa-gawa lamang ang mga paratang at walang sapat na dokumento o ebidensiya, at wala ring pangalan ni Romualdez sa anumang deed, kontrata, o rekord ng bayad kaugnay ng nasabing ari-arian.











