Inihayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Enero 19, na may ilang pulis na umano’y tumutulong sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang upang makaiwas sa pag-aresto.
Dahil dito, maaaring humarap sa mga kasong kriminal at administratibo ang mga sangkot na opisyal, bagamat hindi muna inilantad ang kanilang mga pangalan.
Ayon sa PNP, may nakalap silang impormasyon na may mga pulis na nagbibigay ng tulong kay Ang. Inatasan na ni acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) na tukuyin at imbestigahan ang mga opisyal na sangkot sa naturang gawain.
Nakuha na ng DIDM ang mga profile ng mga ito mula sa Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) at kasalukuyang nire-review kasama ang Legal Service upang matukoy ang posibleng pananagutan sa administratibo at kriminal na aspeto.
Naglaan din ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng P10 milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magreresulta sa pagkaka-aresto ni Ang.
Si Charlie “Atong” Ang ay kinasuhan ng kidnapping with homicide kaugnay ng mga nawawalang sabungero.











