Tinupok ng apoy ang tatlong magkakadikit na residential house bandang alas-9 ng umaga sa may bahagi ng isang kilalang establisyemento sa Barangay San Fermin, Cauayan City.
Mabilis na kumalat ang apoy na nagdulot ng matinding pinsala sa mga kabahayan at pagkabahala sa mga residente sa paligid.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nanay Melita Acupido, isa sa mga may-ari ng nasunugang bahay, sinabi niyang wala silang kaalam-alam na may sunog na pala sa kanilang tahanan dahil wala naman umano silang iniwang nakasinding apoy.
Aniya, batay sa salaysay ng kanilang mga kapitbahay, bigla na lamang umanong sumiklab ang apoy sa bandang kusina ng kanilang bahay na pinaniniwalaang pinagmulan ng sunog.
Ayon pa kay Nanay Melita, may isang ilaw umano silang iniiwan na nakasindi tuwing sila ay umaalis upang magsilbing liwanag sa loob ng bahay dahil madilim kapag ito ay pinapatay.
Dagdag niya, hindi rin agad naagapan ang sunog dahil nakalock ang kanilang pangunahing pintuan at nahirapan itong buksan, dahilan upang hindi kaagad mailabas ang ilang gamit.
Sa kabutihang-palad, wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente. Gayunman, isang alagang aso ang nasawi matapos umanong hindi agad mailabas mula sa nasusunog na bahay.
Sa kasalukuyan, problemado ang mga biktima kung saan sila pansamantalang maninirahan dahil wala silang naisalbang kagamitan mula sa kanilang bahay.
Tanging kasuotan lamang nila ang natira sapagkat wala sila sa bahay nang mangyari ang insidente.
Humihingi naman ang mga ito ng kaunting tulong sa pagkain, damit, at iba pang pangunahing pangangailangan. Maaaring makipag-ugnayan sa apo ni Nanay Melita na si Angeline Acupido sa numerong 0912-119-5234 para sa mga nais magpaabot ng tulong.
Samantala, sa pakikipagpanayam naman ng Bombo News Team kay Fire Chief Inspector Francis David Barcellano na andun rin sa pinangyarihan ng sunog tumagal ng mahigit 25 minuto ang pag-apula ng apoy dahil hindi agad naputol ang koneksyon ng kuryente na nagdulot ng pagkakaroon ng spark na maaaring makakuryente sa mga reresponde.
Mabilis din umanong kumalat ang apoy dahil magkakadikit ang mga bahay at pawang gawa lamang sa light materials.
Aniya, upang maiwasan ang pagkalat ng apoy sa iba pang kabahayan, nagsagawa ng cover exposure ang mga bfp cauayan katuwang ang Chinese Chamber Fire Volunteers, na tumulong sa pagprotekta sa mga katabing gusali at sa agarang pagresponde sa insidente.
Dagdag pa ng opisyal, nagsagawa ang mga bumbero ng mopping operations upang matiyak na wala nang natitirang baga na maaaring muling magdulot ng sunog.
Sa ngayon, patuloy na inaalam pa rin ng Bureau of Fire Protection- Cauayan ang eksaktong sanhi at halaga ng pinsala na idinulot ng insidente.











