Bilang bahagi ng patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa sektor ng agrikultura, lalo pang pinalalakas ng City Agriculture Office ang mga programang tulong para sa mga magsasaka sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Agriculturist Engr. Ricardo Alonzo, sinabi niyang bukod sa libreng abono na kasalukuyan nang ipinapamahagi, nakatakda ring mamahagi ang City Agriculture Office ng karagdagang wettable triple 14 na abono at liquid fertilizer para sa lahat ng magsasaka sa lungsod.
Ayon kay Alonzo, hinihintay na lamang ang isasagawang inspeksyon ng Department of Agriculture (DA), gayundin ang pagdating ng mga suplay mula sa mga supplier. Kapag nakumpleto na ang inspeksyon at naihatid ang mga abono, agad itong ipapamahagi sa mga benepisyaryong magsasaka.
Dagdag pa niya, layunin ng programa na mabawasan ang gastos ng mga magsasaka sa produksyon at mapataas ang ani, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga agricultural inputs.
Tiniyak din ng City Agriculture Office na magiging maayos at patas ang pamamahagi upang mapakinabangan ito ng lahat ng rehistradong magsasaka sa lungsod.










