Umaray ang mga tricycle driver sa muling pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, partikular na ng gasolina.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Marcelino Mico, isang tricycle driver, ramdam na ramdam nila ang epekto ng panibagong oil price hike dahil malaking bawas na naman ito sa kanilang arawang kita. Aniya, nagulat sila nang magtungo sa isang gasolinahan matapos malaman na malaki ang itinaas ng presyo ng gasolina.
Dagdag pa niya, karaniwan siyang nagpapagasolina ng dalawang litro kada araw upang maipamasada ang kanyang tricycle. Gayunman, dahil sa pagtaas ng presyo, napilitan umano siyang bawasan ang kanyang kinukunsumong gasolina ngayong araw.
Bukod sa pamamasada, apektado rin umano ang kanilang sinasakang lupain dahil bumibili rin sila ng diesel para sa mga makinaryang ginagamit sa pagsasaka. Dahil dito, mas lalo umanong nadadagdagan ang kanilang gastusin.
Kahilingan niya na kung patuloy na tataas ang presyo ng gasolina ay sana’y magkaroon din ng kaunting pagtaas sa pamasahe, at kasabay nito ay bumaba naman ang presyo ng mga pangunahing bilihin upang kahit papaano ay makabawi sila sa araw-araw na gastos.
Samantala, ayon sa Department of Energy (DOE), inaasahang aabot sa ₱2.00 kada litro ang itataas sa presyo ng diesel, ₱1.00 naman sa gasolina, at ₱1.50 sa kerosene. Paliwanag ng ahensya, ang naturang pagtaas ng presyo ay dulot ng nagpapatuloy na tensyon sa Iran na nakaapekto sa pandaigdigang presyo ng langis.










