Naglagak ng P90,000 na piyansa si dating Senador Ramon “Bong” Revilla kaugnay ng hiwalay na kasong graft na isinampa laban sa kanya.
Ito ay may kaugnayan sa umano’y P92.8 milyong “ghost” flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ang inilagak na piyansa ni Revilla ay para lamang sa kasong graft sa Fourth Division Clerk of Court nitong hapon ng Martes, Enero 20 dahil walang kaukulang piyansa ang kaniyang kasong malversation.
Nangangahulugan na hindi pa rin mapapalaya si Revilla habang nakabinbin ang kasong malversation sa anti-graft court.
Samantala, una nang inutos ng Sandiganbayan Third Division ang pansamantalang detensiyon ni Revilla sa New Quezon City Jail sa Payatas kaugnay ng kasong malversation na may kinalaman sa kaparehong proyekto.
Sa ngayon nananatili pa rin ang dating senador sa Sandiganbayan habang hinihintay ang implementasyon ng commitment order ng korte saka ididiretso sa Payatas.










