--Ads--

Sa gitna ng patuloy na paghahanap sa puganteng negosyanteng si Atong Ang, muling nasusubok ang kredibilidad at integridad ng kapulisan ng bansa. Ang imbestigasyong isinasagawa ng Philippine National Police laban sa mga aktibo at retiradong pulis na posibleng tumulong sa kaniyang pagtakas ay isang seryosong usapin na hindi dapat balewalain o palampasin.

Hindi ordinaryong kaso ang kinakaharap ni Ang. Ang mga paratang na may kaugnayan sa pagkawala ng mga sabungero ay mabigat at matagal nang gumugulo sa publiko. Kaya’t ang anumang hinala ng “proteksiyon” mula sa mga taong sinumpaang magpatupad ng batas ay lalo pang nagpapalalim sa kawalan ng tiwala ng mamamayan sa mga institusyon ng gobyerno.

Bagamat iginiit ng PNP na walang opisyal na police security detail si Ang, nakababahala ang posibilidad na may mga “seasoned police officers,” aktibo man o retirado, na sangkot sa kanyang pagtatago. Kung mapatutunayan, malinaw itong pag-abuso sa kapangyarihan at tahasang pagtataksil sa tiwalang ipinagkaloob ng taumbayan.

Tama lamang ang utos ng PNP Chief na pag-aralan ang pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal laban sa sinumang mapatutunayang sangkot maging sila man ay senior officers o dating heneral.

--Ads--

Walang puwang sa serbisyo ang mga pulis na ginagamit ang kanilang ranggo, koneksiyon, o karanasan upang hadlangan ang hustisya.

Ang 17 tip na natanggap ng CIDG at ang P10 milyong pabuya para sa pagkakaaresto kay Ang ay patunay na handang tumulong ang publiko.

Ngunit higit pa sa gantimpala, ang hinahanap ng mamamayan ay malinaw na mensahe: na walang sinuman ang higit sa batas, at walang uniporme o medalya ang maaaring maging panangga laban sa pananagutan.

Ang kasong ito ay hindi lamang tungkol sa pagtugis sa isang pugante. Isa itong pagsubok kung kayang linisin ng PNP ang sarili nitong hanay at patunayan na ang hustisya ay umiiral para sa lahat, mayaman man, makapangyarihan, o dating tagapagsuot ng uniporme.