Nakapagtala ang Regional Anti-Cybercrime Unit 2 (RACU-2) ng ilang kaso ng loan at online lending scam kung saan isang overseas Filipino worker (OFW) ang nabiktima.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMSgt. Edison U. Dela Cruz ng RACU-2, naging biktima ang OFW matapos itong magtangkang umutang sa pamamagitan ng online platform. Binigyang-diin niya na hindi dapat basta-basta maniwala sa mga nag-aalok ng mabilis at madaling pagproseso ng loan sa internet dahil karaniwan itong ginagamit na modus ng mga manloloko upang makapanghingi ng pera.
Dagdag pa ni PMSgt. Dela Cruz, pinayuhan na ang naturang biktima na agad magtungo sa kanilang tanggapan pag-uwi nito mula sa ibang bansa upang maisampa at maproseso ang reklamo laban sa mga suspek.
Sa tala ng RACU-2, umabot sa 83 ang bilang ng mga nabiktima ng online scam noong taong 2025. Karamihan sa mga kasong ito ay may kaugnayan sa online selling scam. Sa ganitong modus, nagpapabayad muna ang mga suspek sa mga biktima, partikular sa pagbili ng mga gadgets at iba pang produkto, ngunit matapos makuha ang bayad ay bigla na lamang nila itong bina-block at hindi na naghahatid ng inorder na item. Umaabot sa P80,000 o higit pa ang halagang nawawala sa ganitong uri ng panloloko.
Sumusunod naman sa pinakamaraming kaso ang text at chat scam. Dito, ginagamit ng mga suspek ang na-hack o nakuha nilang account ng isang tao upang magpadala ng mensahe sa mga kaanak at kaibigan nito, humihingi ng pera sa pamamagitan ng pagpapanggap na may emergency.
Nakapagtala rin ang RACU-2 ng 20 insidente ng paglabag sa Access Devices Regulation Act, kabilang ang mga kaso ng phishing kung saan iligal na naa-access ng mga suspek ang bank accounts at iba pang financial accounts ng mga biktima.
Sa kabuuan, umabot sa 103 ang naitalang kaso ng iba’t ibang uri ng online scam sa rehiyon noong 2025.
Dahil dito, muling pinaalalahanan ng RACU-2 ang publiko na maging mapanuri at huwag basta magtitiwala sa mga transaksyong isinasagawa sa online, lalo na kung may kinalaman sa pera, at agad na i-report sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang gawain.











