--Ads--

Nagpapasalamat ang mga biktima ng naitalang sunog sa San Fermin, Cauayan City sa patuloy na pagdagsa ng mga tulong.

Matatandaan na nitong Enero 20 ay nasunog ang 5 residential house sa naturang lugar kung saan walang nailigtas na gamit ang mga biktima maliban na lamang sa kanilang suot-suot na damit.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Angeline Acupido, biktima ng sunog, sinabi niya na tinatayang 300K ang naitalang pinsala matapos matupok ng apoy ang kanilang bahay.

Kabilang sa mga nasunog ay 3 refrigerator, gadgets, gamit sa kusina, damit, at iba pang kagamitan.

--Ads--

Nagpapasalamat naman aniya sila sa mga nagpaabot na ng tulong at patuloy pa rin silang nananawagan o humihingi ng tulong dahil wala silang naisalba. Sakali man na mayroong magbigay ng kahit na anong tulong, maaaring tawagan na lamang umano ang numerong 09707112373.

Sa ngayon, ilan sa kanilang kapamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa kapitbahay habang bayanihan namang inaayos ang ilan pang kagamitang tinupok ng apoy.

Samantala, ipinahayag naman ng isa pang biktima ng sunog na sila ay wala ring naisalba sa kanilang kagamitan kaya pansamantala silang nanunuluyan o  nakikitulog muna sa kapitbahay.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Eduard Fabrao, isa sa mga biktima ng sunog, aniya aabot din sa 300K pesos ang pinsala ng sunog sa kanilang bahay habang ang katabi nilang bahay ay mayroon namang tinatayang 150K na pinsala.

Ilan kasi aniya sa nasunog ay laptop at ilang gadgets na ginagamit sa pag-aaral.

Sa ngayon, patuloy naman aniya silang tatanggap ng ano mang tulong na maibibigay sa kanila ng mga nagmamalasakit.

Mangyari umanong tumawag o mag message sa numerong 09615359348.