Nasugatan ang isang guro matapos pagsasaksakin ng isang suspek habang papasok sa eskwelahan sa Barangay Disulap, San Mariano, Isabela nitong Huwebes ng umaga, Enero 22.
Kinilala ang biktima na si Kelvin Solier, 33 taong gulang, binata, isang public school teacher ng San Isidro Integrated School at residente ng Barangay Bitabian.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Corporal Aldwin Languido ng PNP San Mariano, nagtamo ang biktima ng malalalim na saksak sa gilid ng bibig at sa batok na naging sanhi ng matinding pagdurugo.
Aniya, bandang alas-7:50 ng umaga nang mangyari ang insidente sa Sitio Nursery, Barangay Disulap. Sakay ng motorsiklo ang biktima at patungo sana sa kanyang paaralan nang parahin siya ng suspek na naka-motorsiklo rin. Dahil magkakilala ang dalawa, huminto ang biktima, subalit bigla na lamang siyang sinaksak nang dalawang beses.
Sa kabila ng mga sugat, nakatakbo pa ang biktima at nakahingi ng tulong sa mga residente sa lugar, na isang liblib na bahagi at malayo sa mga kabahayan.
Isinugod ang guro sa San Mariano Medical Hospital ngunit dahil sa lala ng kanyang kondisyon kinailangan siyang ilipat sa isang pribadong pagamutan para sa mas masusing gamutan.
Paliwanag ng PNP San Mariano, posibleng may personal na alitan ang suspek at ang biktima. Matapos ang pananaksak, agad na tumakas ang suspek at patuloy pa rin ang isinasagawang manhunt ng pulisya.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang kasong frustrated murder laban sa suspek, na hanggang ngayon ay hindi pa nakikita.







