--Ads--

Apat na pampasaherong bus ang binato ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa bahagi ng Barangay Caquilingan, Cordon, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Florenzo M. Zuniega ng Cordon, Isabela, sinabi niya na patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa insidente.

Ayon sa kanya, mayroon nang mga lead ang mga opisyal at lumalabas na karamihan sa mga sangkot sa mga ganitong uri ng insidente ay dalawa o higit pang menor de edad.

Aniya, posibleng napagtripan ang insidente at may hinalang ang mga sangkot ay nakainom ng nakalalasing na inumin. Dahil dito, plano ng lokal na pamahalaan na magpatupad ng curfew hours, lalo na para sa mga kabataan, upang maiwasan ang pag-uulit ng kahalintulad na pangyayari.

--Ads--

Dagdag pa ng Alkalde, madilim ang lugar kung saan naganap ang insidente at tanging mga solar lights lamang ang nagsisilbing ilaw sa nasabing lugar.

Kaugnay nito, plano ng pamahalaang bayan na i-endorso sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga menor de edad na sangkot at ipatawag ang kanilang mga magulang, na siyang mananagot sa kanilang mga anak. Nilinaw rin ni Mayor Zuniega na hindi pa maaaring sampahan ng kaso ang mga sangkot dahil sila ay mga menor de edad pa lamang.

Samantala, nagpatupad na ng 24-oras na monitoring ang hanay ng PNP Cordon, partikular sa mga madidilim na lugar at sa mismong pinangyarihan ng insidente, upang maiwasan ang pag-uulit nito.

Nagpaalala naman si Mayor Zuniega sa mga residente ng bayan ng Cordon, lalo na sa mga may anak na menor de edad, na huwag nang palabasin ang mga ito sa gabi at bantayan ang kanilang mga anak. Hinimok din niya ang mga magulang na itago ang susi ng mga motorsiklo upang hindi magamit ng kanilang mga anak.