Malapit nang maghain ang Department of Justice (DOJ) ng subpoena kaugnay ng mga plunder complaint laban kina Senador Jinggoy Estrada, dating Senador Bong Revilla, dating Public Works Secretary Manuel Bonoan, at dating Congressman Zaldy Co.
Ayon kay DOJ Prosecutor General Richard Fadullon nitong Huwebes, inaasahang ihahain ang mga subpoena ngayong linggo o sa susunod na linggo.
Nakatakda naman aniya ang preliminary hearings sa katapusan ng Enero.
Kasabay nito, nagsasagawa na rin ang DOJ ng preliminary investigation sa anim na reklamong malversation kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects na kinasasangkutan ng Wawao Builders at Topnotch Catalyst Builders Inc.
Sa tatlo sa mga reklamo, nakasaad si Senador Joel Villanueva bilang respondent, at binigyan umano siya ng hanggang Enero 26 para magsumite ng counter-affidavit.
Sa Pebrero naman inaasahang maihahain sa korte o sa Sandiganbayan ang mga kaso, ayon pa kay Fadullon.










