Nagtatago na umano sa bansang Cambodia ang wanted na negosyanteng si Atong Ang.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla batay umano sa pahayag ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan.
Sinabi ni Patidongan na may kakayahan si Ang na bumiyahe sa Cambodia sa pamamagitan ng backdoor routes at iwasan ang mga awtoridad.
Sinabi pa ni Remulla na may mga ulat na nagsagawa ng operasyon ng online sabong si Ang sa Cambodia na nagbibigay indikasyon na nakapagtatag na ang negosyante ng network sa lugar pati na sa ilang bahagi ng Thailand.
Gayunman sinabi ng Kalihim na patuloy pang biniberipika ng mga awtoridad ang naturang operasyon.
Aniya, oras na makumpirma na nasa Cambodia o Thailand si Ang ay dadalhin na ang naturang usapin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil ito ang chairman ng Association of Southeast Asian Nations at may access sa direct leadership talks sa mga bansa sa Asya.
Binigyang diin ni Remulla na nasa pagpapasya na ni Pangulong Marcos kung ipakakansela ang pasaporte ni Ang.
Aminado rin si Remulla na maaring nahirapan ang Bureau of Immigration (BI) sa pagbabantay sa pag-alis ni Ang dahil sa mahabang coastline ng bansa. Malamang aniya na dumaan ito sa backdoor sa pagtakas sa Pilipinas.
Wala pa naman aniyang koordinasyon ngayon ang Pilipinas sa foregin counterparts para mahanap si Ang.
Nanindigan din si Remulla na patuloy na ikokonsiderang mapanganib at armado si Ang kahit pa isinuko na ang mga armas nito.
Si Ang ay may P10 milyong patong sa ulo matapos isyuhan ng warrant of arrest kaugnay ng missing sabungero case.









