--Ads--

Inatasan ng Sandiganbayan ang 90-araw na preventive suspension kay Candaba, Pampanga Mayor Rene Maglanque kaugnay ng 194 kasong may kinalaman sa umano’y P900-milyong Malampaya fund scam.

Ayon sa korte, layon ng suspensyon na maiwasang magamit ni Maglanque ang kanyang posisyon upang hadlangan ang paglilitis o makagawa pa ng katiwalian. Ipinaliwanag din na kahit noong 2017 pa naisampa ang mga kaso, maaari pa ring ipatupad ang suspensyon sa kasalukuyang posisyong hawak ng akusado.

Si Maglanque ay kabilang sa mga kinasuhan ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at malversation of public funds. Ang mga kaso ay nag-ugat sa umano’y maling paggamit ng pondo ng Malampaya na para sana sa mga magsasakang naapektuhan ng bagyong Ondoy at Pepeng noong 2009.

Inatasan ng korte ang Department of the Interior and Local Government na ipatupad ang kautusan.

--Ads--