Nagkaroon ng isyu ng overcrowding sa Melbourne Park na venue ng Australian Open matapos dagsain ng napakaraming manonood ang mga laban. Para kay world number one Novak Djokovic, isa itong positibong senyales para sa isport ng tennis.
Ayon kay Djokovic, mas mabuti na ang sobrang dami ng nanonood kaysa sa kakulangan ng interes. Aniya, hangad ng bawat torneo ang record-breaking attendance at bentahan ng tiket, at patunay ito na patuloy na lumalawak ang interes ng publiko sa panonood ng tennis, maging live man o online.
Malaki rin ang bahagi ng tinaguriang “Eala Mania” sa pagdami ng mga manonood. Si Alexandra Eala, na patok hindi lamang sa ibang bansa kundi lalo na sa Pilipinas, ay itinuturing na trailblazer ng tennis sa kanyang sariling bansa. Dahil dito, kapansin-pansin ang malakas na suporta ng mga Pilipino sa kanyang mga laban.
Sinabi ni Djokovic na nauunawaan niya ang matinding suporta kay Eala, lalo’t isa ito sa pinakamalaking tennis star na nagmula sa Pilipinas. Binanggit din niya na maaaring naging isyu ng iskedyul kung bakit hindi nailagay si Eala sa mas malaking court, subalit ipinaliwanag na sa mga unang round ay siksik ang schedule ng malalaking pangalan sa pangunahing mga court.
Sa kabila nito, iginiit ni Djokovic na nananatiling mabuting problema ang ganitong sitwasyon. Aniya, mas malaking suliranin kung walang nanonood at walang interes ang publiko, at ang kasalukuyang dami ng tagahanga ay patunay na nasa mabuting kalagayan ang tennis.











