--Ads--

Muling naranasan ang masikip na daloy ng trapiko sa pambansang lansangan na bahagi ng Brgy. Balete, Diadi, Nueva Vizcaya matapos mabangga ng isang forward truck ang sinusundang pampasaherong bus kagabi, Jan. 22, 2026.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Darryl Marquez, Acting Chief of Police ng Diadi Police Station sinabi niya na ilang metro na lamang ang layo ng pinangyarihan ng aksidente sa naunang bumaliktad na truck na naglalaman ng malaking solar transformer noong nakaraang araw.

Hindi pa aniya ito natatanggal ay may sumunod na namang aksidente matapos na mabangga ng elf truck ang likuran ng isang Victory Liner Bus.

Naipit ang pasahero na nasa harap ng elf truck kaya umabot sa mahigit isang oras na rescue operation ng mga otoridad at naging malubha ang tinamong injury ng biktima.

--Ads--

Dahil dito sumikip ang daloy ng trapiko sa lugar at kinailangang ipatupad ang one way traffic scheme at ilang minutong interval sa magkasalubong na mga sasakyan.

Batay sa kanilang imbestigasyon, natanggal ang gulong ng forward truck na may lamang mga gulay kaya nawalan ng kontrol ang tsuper at bumangga sa sinusundang bus.

Matapos nito, kaninang madaling araw, isa na namang aksidente ang naitala na kinasasangkutan ng isang bus, commuter van at ambulansya.

Nasawi ang isang pasahero ng nakaparadang commuter van matapos makaladkad ng bus.

Sa kasalukuyan ay nagsasagawa pa ng removal operation ang mga otoridad sa mga humambalang na sasakyan sa naturang lugar.

Nagkaroon din aniya ng aberya ang ginagamit na crane sa pagtanggal sa malaking transformer na karga ng bumaliktad na truck.

Nananatiling one lane passable ang naturang lansangan dahil sa mga naaksidenteng sasakyan at nakabantay naman sa lugar ang pulisya katuwang ang ibat-ibang force multipliers.

Muli namang nagpaalala ang pulisya sa mga motorista na ugaliing suriin ang sasakyan bago bumyahe upang makaiwas sa kahalintulad na mga pangyayari.