--Ads--

Apat na sundalo ang nasawi habang isa naman ang sugatan matapos silang I-ambush habang nasa isang humanitarian mission sa Barangay Lininding, Munai, Lanao del Norte, noong Biyernes ng umaga, Enero 23.

Ayon sa mga opisyal ng Western Mindanao Command (WestMinCom) at ng Lanao del Norte Provincial Police Office, agad na binawian ng buhay sina Staff Sgt. Diosito Araya, Sgt. Gilbert Arnoza, Sgt. Junel Calgas, at isang sundalong kinilala bilang Private Laniton dahil sa tinamong tama ng bala.

Samantala, sugatan naman si Cpl. Rollen Dela Cruz, na agad na isinugod ng mga emergency responder sa ospital upang mabigyan ng lunas.

Batay sa salaysay ng mga lokal na opisyal at mga lider ng Maranao Community, ang mga sundalo ay hindi naka-uniporme at sakay ng isang asul na Toyota Avanza nang sila ay patungo sa isang liblib na lugar sa Munai para sa isang non-tactical peacebuilding engagement nang maganap ang pananambang.

--Ads--

Habang tinatawid ng kanilang sasakyan ang isang mababaw na ilog sa Purok 1, Barangay Lininding, pinaputukan sila ng mga armadong salarin na may dalang assault rifles at nakapuwesto sa mabatong gilid ng daanan. Matapos ang pamamaril, agad na tumakas ang mga suspek.

Pinaniniwalaang ang mga umatake ay mga natitirang miyembro ng Dawlah Islamiya, isang grupong idineklarang buwag na, ngunit may ilan pang miyembro nito ang hindi pa sumasailalim sa reconciliation program for violent religious extremists ng WestMinCom.

Kinumpirma ni Lt. Gen. Donald Gumiran, commander ng WestMinCom, na ang mga nasawing sundalo ay miyembro ng 1st Civil-Military Operations Battalion ng 1st Infantry Division ng Philippine Army.