Nahuli na ng mga awtoridad ang suspek sa pananaksak sa isang Guro sa Disulap, San Mariano, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSMS. Rogelio Ignacio Jr. Imbestigador ng San Mariano Police Station, sinabi niya na ang suspek ay naaresto sa bahagi ng Sindon Bayabo, Ilagan City, Isabela matapos nitong tangkaing takasan ang krimeng nagawa.
Matatatandaan na nitong Enero 22. 2026 ay pinagsasaksak ng 40-anyos na suspek ang Guro na si Kelvin Solier habang papasok sa pinagtatrabahuhang eskwelahan sa San Isidro Integrated School.
Ito ay nagtamo ng dalawang saksak sa leeg at nasugatan din ang kaniyang bunganga.
Aniya, liblib na lugar ang pinangyarihan ng krimen kaya dito siya inabangan ng suspek upang isakatuparan ang kaniyang plano.
Batay sa nakalap na impormasyon ng mga kapulisan, nagpo-post umano sa social media ang suspek laban sa biktima kung saan siya ay nagpapahayag ng galit para rito subalit hindi pa matukoy ng mga kapulisan ang eksaktong dahilan ikinagagalit ng suspek.
Hindi pa kasi umano nila makausap ng maayos ang biktima para sa karagdagang impormasyon dahil sa kasalukuyan ay nagpapagaling pa ito sa hospital.
Sa ngayon ay pinoproseso na ng kapulisan ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban sa suspek.







