Nagsampa ng ethics complaint ang abogadong si Eldrige Marvin B. Aceron laban kay Sen. Joseph Victor “JV” G. Ejercito, Chairman ng Senate Committee on Ethics and Privileges.
Ayon sa abogado, nagpabaya ang senador sa sinumpaang tungkulin bilang mambabatas. Ang reklamo laban kay Sen. JV ay natanggap rin ng opisina ni Senate President Sen. Vicente “Tito” Sotto noong Enero 22, 2026.
Ang reklamo ay dahil sa hindi umano pag-aksiyon ni Sen. JV sa reklamong sinampa laban kay dating Senate President Francis “Chiz” Escudero noon pang Oktubre 2, 2025. Matapos ang 110 araw, hindi pa rin nagbibigay ng case number ang Senate Ethics Committee at hindi pa rin ipinagbibigay-alam sa nagreklamo kung ano ang katayuan ng kaso.
Sinabi rin ni Atty. Aceron na mainam pa ang ibang ahensiya ng pamahalaan, partikular ang House of Representatives kung saan umusad ang ethics complaint laban kay Rep. Kiko Barzaga; mula filing hanggang sa nahatulan ng guilty at napatawan ng 60-day suspension ang mambabatas, tumagal lamang ang buong proseso ng 77 na araw.
Idiniin ni Aceron na sa mga barangay sa buong bansa, limang minuto lang ang kailangan para mabigyan ng case number.
Dahil sa hindi umano pag-aksiyon ni Ejercito, isinusulong ni Aceron na alisin ito bilang Ethics Committee Chairman, at ipagbawal ang pagkikilahok ng senador sa anumang reklamong sangkot si Escudero.
“Hindi namin hinihiling sa Senado ang araw at mga bituin. Ang hiling lang namin ay kung ano ang ginagawa ng mga barangay sa loob ng limang minuto: magbigay ng case number,” saad ni Aceron sa reklamo.











