--Ads--

Ipinabombo ng isang residente ng Brgy. Labinab, Cauayan City ang umano’y pambubugbog na ginawa sa kaniya ng ilang barangay officials na kinabibilangan umano ng kanilang Punong Barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ferdinand Alipio, ikinuwento nito na noong gabi ng Enero 23 ay nagtungo siya sa isang lamayan sa kanilang barangay kung saan niya nakasalamuha si Punong Barangay Juanito “Jhong” Estrada Jr. at ilang mga kagawad. Ayon kay Alipio, nagkayayaan pa umano silang mag-inuman at naging maayos ang kanilang usapan hanggang sa magpasya siyang umalis upang maglaro ng baraha.

Habang lumalalim umano ang gabi ay nagkaroon ng bahagyang sagutan sa pagitan niya at ng kaniyang kalaro sa sugal. Dito na umano lumapit si Kagawad Darwyn Alipio upang siya’y komprontahin at hilahin palayo sa pinaglalaruan. Buong akala umano ni Ferdinand ay ihahatid lamang siya pauwi, subalit dito na umano siya pinagtulungang bugbugin. Ayon sa kaniyang pagkakatanda, kabilang umano sa mga nambugbog sa kaniya ang punong barangay at ilang iba pang opisyal.

Dagdag pa ni Ferdinand, bagama’t maraming tao ang naroroon sa lugar ay wala umanong tumulong sa kaniya. Sinabihan pa umano siya ng punong barangay na handa itong humarap sakaling magsampa siya ng reklamo sa mga kinauukulan.

--Ads--

Samantala, mariing tinuligsa ng ina ni Ferdinand na si Ginang Milagros Alipio ang umano’y ginawang pananakit sa kaniyang anak. Sa kaniyang pahayag sa Bombo Radyo Cauayan, iginiit nito na ang mga opisyal ng barangay ang dapat manguna sa pagpapanatili ng kapayapaan at hindi dapat nasasangkot sa anumang gulo. Binigyang-diin din niya na hindi nararapat na umiinom ng alak ang mga barangay officials bilang ehemplo sa kanilang nasasakupan.

Sa kabilang panig, mariing itinanggi ng Punong Barangay ng Brgy. Labinab na siya ang may kagagawan o dahilan ng pagkakabugbog kay Ferdinand Alipio. Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Juanito Estrada Jr., sinabi niyang kilala umano ang nagrereklamo sa pagiging palaaway at ilang beses na ring nagdulot ng gulo sa mga lamay, lalo na kapag natatalo sa sugal.

Ayon pa sa punong barangay, sinubukan lamang umano nilang awatin si Alipio at pauwiin upang maiwasan ang gulo. Gayunman, iginiit niya na hindi sila ang bumugbog sa biktima at ang mismong mga kalaro umano nito sa sugal ang siyang kumuyog sa kaniya. Inamin din niya na isang beses umanong nasuntok ng miyembro ng Peace and Order Committee ang biktima matapos umanong magpakita ito ng pagyayabang.

Binigyang-diin ng punong barangay na mahalagang matutong rumespeto ang lahat, lalo na sa mga naglalamay, at iwasan ang pagsisimula ng gulo dahil lamang sa simpleng sugal.