--Ads--

Nasawi ang isang autism therapist na isa ring negosyante matapos itong barilin sa ulo ng isang hindi pa nakikilalang salarin sa lungsod ng Cauayan.

Ang biktima ay kinilalang si Angel Ramat, 43-anyos, single, na may postal address na 4 Prk 9, Tacay Road, Pinsao Proper, Baguio City na binaril kaninang pasado alas 5 ng umaga sa labas ng tinutuluyang apartment sa San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt.Col. Avelino Canceran Jr, Chief of Police ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na natanggap ang ulat mula sa isang concern citizen at agad na nagtungo ang pulisya sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon sa kanilang imbestigasyon, paalis sana ng apartment ang biktima at sasakay na sana ng kaniyang sasakyan nang bigla siyang binaril ng 3 beses sa ulo at sa right palm nito ng lalaking hindi pa nakikilala, tinatayang 5’5″ ang tangkad, nakasuot ng brown jacket, at pantalon.

--Ads--

Matapos ang krimen ay agad ding naglakad palayo ang suspek dala dala ang ginamit na baril.

Dagdag pa niya, naitaong walang ibang kasama ang biktima nang mangyari ang krimen subalit nang mapansin ng kaniyang mga kapit bahay na nakadapa na ang biktima ay agad itong isinugod sa pribadong pagamutan.

Alas 10:22 nang umaga nang tuluyan nang bawian ng buhay ang biktima.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad kabilang ang Forensic Group ay na recover sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang basyo ng bala ng baril na 9mm ang sukat.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon at nagsasagawa ng dragnet operation ang awtoridad para sa pag aresto sa suspek.